Boy Bungisngis

Bungisngis

6 November 2018

Nakakapagod ang iyong kulit. Kahit nakakairita hindi ako pwedeng magalit. Bungisngis ka nang bungisngis, hindi kita matiis. Para kang asukal na sobra ang tamis. Kahit hindi pwede, lagi kang ninanais. Nakakaumay ang iyong mga iyak, ganun pa man hindi pwedeng hindi kita mayakap. Bawat luha mong pinapatak, dibdib ko nama’y parang nabibiyak. Gusto ko sana’y palagi ka sa aking tabi, mula sa paggising hanggang sa pagtulog kung gabi. Kahit ilang beses pa akong mapuyat, kahit labi ko ma’y aking makagat, ititimpla ka pa rin ng gatas mong inumin, papalitan ang basa at mabaho mong lampin. Tanggal ang aking pagod, basta’t pag-uwi ko karga-karga kita sa aking likod. Problema ko’y aking nalilimot sa bawat ngiti mong sobrang maharot. Nakakatawa ang iyong mga hiyaw. Nakakaaliw ang iyong mga sayaw. Nakakabaliw ang iyong mga sigaw. Kung ang iba ay ayaw kang lumaki agad, ako nama’y hindi makapaghintay na ikaw’y tumangkad at makapaglakad nang sa gayon ay maisama kita sa lahat ng gawain, at maturuan kita kung ano man ang mayroon sa akin. Bilisan mo na ang paglaki. Bilisan mo na aking Elei.