Bago Ang Kaarawan

23 September 1999

Bakit ang buhay ko’y masyadong magulo?
Parang masisira itong aking ulo.
Bakit pa nabuhay kasi sa mundong ‘to?
Parang kalaban ko ang lahat ng mga tao.
Ano ba talaga’ng dapat na gawin ko?

Katulad ng aking karanasan,
magandang dalaga, aking hinangaan.
Nakilala ko s’ya sa may paaralan.
Hindi ko masabi ‘tong nararamdaman,
kaya ako’y hanggang sa tingin na lamang.

Kung nandito lang sya’t nakikinig ngayon,
mapapakinggan n’ya aking eksplinasyon.
Sana’y makausap kita sa maghapon.
Sa sasabihin ko, sana’y h’wag kang tutol
sapagkat mahirap sabihin ‘tong layon.

Nahihiya ako na ikaw’y pansinin
at nahihiya ring ikaw’y kausapin.
Kahit ipikit ko ang aking paningin,
ang nakikita ko, tunay, ikaw pa rin,
kaya naipinta ka sa ‘king damdamin.

Magandang dalaga, saki’y h’wag magalit,
dahil ang layon ko’y ang hirap ibanggit,
pagkat ang isip ko’y papalit-palit.
Baka ‘di masabi itong iniisip,
sana ako’y tama nang ‘di ka magalit.

Mgapangyayari’y ‘di maganda lahat,
gaya ng isip ko na hindi pa ganap.
Samantalang ikaw ay humahalakhak,
sinta, ako nama’y umiiyak
dahil damdamin ko sayo’y lumiliyab.

Kailangan kita sa buhay kong ito,
kaya sa ‘kin sana huwag kang lalayo.
Apoy sa puso ko’y ‘di na namamaso
pagkat ang dahila’y luhang tumutulo
at inspirasyon ko sayo’y walang dugo.

Sabi ng sarili, ikaw’y kailangan.
May koronang tinik na iyong nilagay
sa puso kong ito, ako’y nasasaktan.
Baka akala mo, ako ay laruan,
hindi nasasaktan, hindi nagdaramdam.

Ang karangalan ko’y tila bulalakaw,
sa buhay kong ito, ikaw ang dahilan.
Inspirasyon sayo’y pilit kong binuhay
na ‘di mo binigyan ng buhay kaylanman.
Kaya alay sa ‘yo aking karangalan.

‘Di ko man hanapin, aking kapalaran,
kung talagang sa ‘kin, ba’t ‘di pabayaan.
Gaya ng nabanggit ko kani-kanina lang,
Ako sana’y iyong naiintindihan
subalit malayo sa katotohanan.

Unti-unting bigyan ng buhay ang puso.
Yaong alikabok, pakipunasan mo
upang pagsapit ng kaarawan ko,
saking mga sala ay napatawad mo.
Sana aking sinta, wala kang reklamo.

Tatlong kahilingan, sa ‘king kaarawan.
Unang kahilingan, sa isip ko na lang.
Sunod na hiling ko’y ‘di p’wedeng malaman.
Huling kailangan, pansinin mo naman
akong humihingi ng kapatawaran.

kenn jimena